4 TULAK TIKLO SA P162-K SHABU

ARESTADO ang apat na drug personalities kabilang ang dalawang babae matapos makumpiskahan ng P162,000 halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon at Valenzuela City.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong ala-5:30 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy bust operation sa Maria Clara St. Brgy. Acacia nang makatanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta ng ilegal na droga nina Joemar Damasco, 28-anyos, alyas “Jay-Jay” at Sharina Marie Dela Cruz alyas “Sheng”, 33-anyos.

Agad inaresto ang mga suspek matapos magbenta ng P500 ha­laga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur-buyer kasama si Irish Ann Palmario, 45-anyos, biyuda na nakunan ng isang plastic sachet ng shabu.

Nasamsam sa mga suspek tinatayang nasa 13.9 gramo ng shabu na may standard drug price P94,520 at marked money.

Samantala, sa Valenzuela, nalambat naman ng mga operatiba ng SDEU ng Valenzuela police sa buy bust operation sa Karen Avenue, S De Guzman School, Brgy Gen T De Leon dakong alas-9:45 ng umaga si Jonathan Esguerra alyas “Atan”, 32-anyos ng 3195 Urrutia Street.

Nakumpiska kay Esguerra ang humigi’t-kumulang 10 gramo ng shabu na may standard drug price P68,000, P500 buy bust money, P200 cash, cellphone at black hard case.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. VICK TANES