4 TULAK TIKLO SA P408-K SHABU

BULACAN – KULUNGAN ang binagsakan ng 4 drug couriers makaraang makumpiskahan ng P408K halaga ng shabu sa inilatag na buy-bust ope­rations ng pulisya sa Brgy. San Manuel, San Jose Del Monte sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.

Isinailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Junail “Urak” Mangcol, 27-anyos; Justito R. Borillo Jr., 28-anyos; Ryan L. Versoza, 23-anyos; Naim A. Tominaman, 18-anyos; at si Dumarpa Y. Mamangcao Jr., 31-anyos, pawang nakatira sa nabanggit na barangay.

Sa inisyal na police report, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa concerned citizen kaugnay sa pagtutulak ng droga ng mga suspek kaya isinailalim sa ilang araw na surveillance ang apat na drug couriers.

Nang magpositibo sa drug trade, ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng PIU-PDEU Bulacan PPO, SOU3-PDEG, Bulacan 1st PMFC at ng San Jose Del Monte Police Station ang buy-bust operations bandang alas-4:50 ng madaling araw.

Nakumpiska sa mga suspek ang 60 gramo na shabu na may street value na P408,000.00 at marked money na ginamit sa drug operations kung saan isinailalim na drug test ang apat habang pina-chemical analysis naman ang 60 gramo na shabu.

Kasalukuyang nasa police detention facility ng PIU-Bulacan Provincial Police Office ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). MHAR BASCO