LUMAGPAK sa kamay ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na tulak matapos na kumagat sa isinagawang buy bust na makumpiskahan ng shabu at baril kahapon ng madaling araw sa nasabing lungsod.
Kinilala ni QCPD Director BGen Remus Medina ang mga nadakip na sina Roberto Francisco, 50- anyos; Rodel Hufancia, 42-anyos , kapwa nakatira sa Brgy. San Bartolome, Q.C.; Azean Malisua, 19-anyos at Arthur Alabarca, 30-anyos, pawang residente ng North Caloocan City.
Ayon kay Fairview Police Station 5 (PS 5) commander Lt.Col. Glenn Gonzales, dakong ala-5 ng madaling araw nang isagawa ang drug operation sa J.P. Rizal St., Brgy. Sta. Lucia, Q.C.
Isang pulis ang bumili ng shabu at nang magkaabutan ay dito na dinakma ang mga suspek.
Nasamsam mula sa apat ang 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000.00, isang caliber .9mm pistol na may dalawang bala, isang MXI 125 Mio Yamaha, isang cellphone, at buy bust money.
Nakapiit na ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition na may kaugnayan sa Omnibus Election Code. MARIA THERESA BRIONES