ARESTADO ang apat na drug suspects kabilang ang top one drug personality ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Eliseo Cruz, dakong alas-10 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni P/Maj. Ramon Aquiatan Jr. ng buy-bust operation sa No. 194 Heroes Del 96 Brgy. 74 Zone 7 Caloocan City na nagresulta sa pagkakadakip kay Jesy Boy Cruz, 38-anyos; Prince Kevin Esteve, 25-anyos at Marlon Yuki, 36-anyos, pawang dating nakulong dahil sa ilegal na droga at nakalaya sa pamamagitan ng plea bargaining agreement.
Narekober sa mga suspek ang nasa 70 gramo ng shabu na may standard drug price na P476,000, marked money, cellphone, digital weighing scale, P900 drug money at ilang drug paraphernalias.
Gayundin,agad na ininguso ng mga suspek ang kanilang source ng ilegal na droga na nakilalang alyas Jeff.
Kaagad nagsagawa ng follow-up buy bust operation ang mga operatiba ng DDEU sa 28 Guido 4 Brgy. 33 District 2 Zone 3 Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jeffrey Madera, 40-anyos, tricycle drive, matapos bentahan ng P10,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska kay Madera ang nasa 110 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P748,000 ang halaga, marked money, digital weighing scale at cellphone.
Si Madera ang top one drug personality ng NCRPO at siya umano ang matunog na nagbebenta at nagde-deliver ng ilegal na droga sa area ng Camanava. VICK TANES/ EVELYN GARCIA
Comments are closed.