UMAABOT sa P3.4 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa apat na naarestong drug pushers sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Southern Police District (SPD) at Muntinlupa City police nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni SPD director Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Marco Anthony Panibe y Ponteres, 30-anyos, drayber; Romnick Misloso y Fabian, 22-anyos, vendor; Ernesto Landing y Manansala, Jr., 25-anyos, construction worker at Dreyven Aubrey Vilasco y Villanueva, 21-anyos, saleslady.
Base sa report na isinumite kay SPD director Brig. Gen. Jimili Macaraeg, naisagawa ang drug buy-bust operation laban sa mga suspek na pinangunahan ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at Muntinlupa City police dakong alas-8:20 ng gabi sa Block 6 Lot 37, Phase 4, Brgy. Southville 3 Poblacion, Muntinlupa City.
Sa isinagawang operasyon ay nakarecover ang mga operatiba ang apat na heat sealed transparent plastic sachets at limang magkakasamang nakatali ng transparent plastic na naglalaman ng shabu na may timbang na mahigit-kumulang sa 508 gramo na nagkakahalaga ng ₱3,454,400.00, isang kulay berdeng pouch, ₱1,000 genuine buy bust money at ₱4,000 boodle money na ginamit sa naturang operasyon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Art II ng RA 9165 ang mga suspek na kasalukuyang nasa DDEU-SPD para sa isasagawang dokumentasyon at disposisyon sa mga ito.
Samantala, ang mga narekober na ebidensya ay naiturn-over na sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.
“This notable accomplishment shows our full support in the campaign against illegal drugs. Let us continue our dedication and commitment in service in fighting the illegal drug menace in our country,” ani Macaraeg. MARIVIC FERNANDEZ