BULACAN- ISA sa mga Most Wanted Person (MWP) sa Central Luzon at miyembro ng Serrano Criminal Gang na sangkot sa illegal drug trade ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Bulacan Provincial Intelligence Unit(PIU),Pulilan at Plaridel Police sa hide-out nito matapos ihain ang mga warrant of arrest sa Barangay Bagong Silang, Plaridel sa lalawigang ito kamakalawa.
Ayon kay Col.Rommel Ochave, acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang naarestong MWP sa Region III na si Gerardo Talastas, 49-anyos,magsasaka ng Barangay Bagong Silang,Plaridel.
Nabatid na si Talastas ay nadakip ng pinagsanib na operatiba ng Bulacan PIU sa pamumuno ni Major Russel Dennis Reburiano, Plaridel police sa supervision ni Lt.Col.Jesus Manalo at Pulilan PNP sa ilalim ng pamumuno ni Lt.Col.Gil Domingo na kung saan hindi na ito nakapalag nang hainan ng mga warrant of arrest ng Tracker Team ng pulisya na nagsagawa ng manhunt operation.
Ang target ng manhunt operation na si Talastas ay nasa listahan ng Priority High Value Individual of Region 3 dahil sa kasong Rape na may piyansang P200,000, Rape na walang piyansa, Lascivious Conduct under RA 7610 at Unjust Vexation in relation to RA 7610 at ang warrant of arrest ay inisyu ni Hon.Judge Francisco M. Beley, Presiding Judge ng Branch 4 ng City of Malolos.
Bukod dito,mayroon pang isang kaso ng Rape case si Talastas sa Branch 84 ng Malolos RTC na inisyu naman ni Judge Carolina S.Rojas ang warrant of arrest laban sa suspek na walang inirekomendang piyansa.
Kaugnay nito, arestado rin sa pamagitan ng warrant of arrest ng San Jose del Monte Police ang mga suspek na sina Gerald Flores alyas G.A, sa kasong qualified Theft; Alexander Reyes at Jomar Balbastro na kapwa sangkot sa Reckles Imprudence resulting to damage to property and Physical Injuries.
Nakakulong ngayon ang mga suspek sa patong-patong na kaso. THONY ARCENAL/ MARIVIC RAGUDOS