4-WEEK MECQ SA NCR PLUS (Inirekomenda ng OCTA)

MAS gugustuhin ng mga eksperto mula sa OCTA Research na isailalim sa apat na linggong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna.

Ito ang rekomendasyon ni Prof. Ranjit Rye kasunod ang pagsasabing hindi nila nakikita ang pagbaba ng bilang ng mga nahahawaan ng virus sa ilalim ng GCQ Bubbles at ang apat na linggong MECQ ang nakikita nilang maaaring solusyon para maibaba ang bilang ng mga nahahawaan ng virus.

Bagamat aminado silang malaki ang epekto nito sa social economic ng mga manggagawa, mas makabubuting isaalang-alang umano ang kalusugan ng publiko.

Magbibigay rin aniya ito ng malaking tulong sa medical workers lalo pa at halos punuan na ang mga ospital.

Samantala, tumaas pa ang bilang ng mga lugar sa Quezon City na isinailalim sa Special Concern Lockdown dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nahahawaan ng virus.

Sa pinakahuling datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit, nasa 45 lugar ang kasalukuyang binabantayan dahil sa paglobo ng kaso ng Covid-19 sa nakalipas na dalawang linggo.

Nilinaw ng lokal na pamahalaan na hindi buong barangay ang naka-lockdown kundi mga komunidad lamang at kalye.

Agad namang nagpadala ng relief goods ang QC LGU sa mga naapektuhan na lugar gaya ng food packs, essential kits sa bawat pamilya at isasalang naman ang mga ito sa contact tracing at malawakang swab test. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.