CEBU – INAALAM pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kabuuang danyos sa nasunog na residential area na katabi lamang ng public market sa Cebu City noong Sabado ng gabi.
Ayon sa Cebu City Fire Department, mahigit sa 40 bahay ang nilamon ng apoy alas- 9:45 ng gabi.
Tumagal ng halos dalawang oras ang sunog sa likod ng palengke sa barangay T. Padilla.
Isang senior citizen naman ang nagtamo ng second-degree burns dahil hindi umano agad nakalabas ng kaniyang bahay dahil sa kapal ng usok.
Aminado ang BFP na nahirapan sila sa pag-apula ng sunog dahil sa makitid ang mga daan patungo sa a lugar, hindi agad nakalapit ang mga bombero at kinailangan pang magdugtong-dugtong ng mga hose.
Idineklarang under control ang sunog bandang alas-11:03 ng gabi na sinasabing nag-umpisa sa isang inuupahang bahay, ayon sa imbestigasyon ng BFP sa Cebu City.
Pansamantalang ginawang temporary shelters ng mga biktima ang isang gym ng barangay. VERLIN RUIZ