GAGAWARAN ng pagkilala ng United States government ang 40 Filipino na lumaban sa World War 2 kabilang dito ang 19 na nabubuhay na WWII veterans at 21 iba pa na pagkakalooban ng posthumous recognition sa AFP Officers Club (AFPCOC) sa Camp Aguinaldo.
Ang seremonya ay pangungunahan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at US Ambassador to the Philippines Sung Kim.
Ayon sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), pagkakalooban ng United States Congressional Gold Medal ang mga beterano na tumulong sa mga sundalong Amerikano para mapalaya ang Filipinas sa pananakop ng Japanese Imperial Army noong 1945.
Bukod sa 19 na nabubuhay na Filipino war veterans, may 21 pang Filipino veterans ang pagkakalooban ng posthumous US Congressional Gold Medal.
Ang US Congressional Gold Medal ang pinakamataas na pagkilala na ibinibigay sa mga indibidwal na may malaking kontribusyon sa isang bansa.
Nabatid na taong 2016 nang lagdaan ni United States President Barack Obama ang batas na naggagawad sa mga Filipino na beterano ng World War II ng pinakamataas na civilian award na ipinagkakaloob ng gobyerno ng US.
Kinikilalala ng “Filipino Veterans of WWII Congressional Gold Medal Act of 2015” ang mahigit 260,000 sundalong Filipino at Filipino-American na nakipaglaban sa ilalim ng bandila ng Amerika laban sa Imperial Forces ng Japan noong World War II.
Abril 19, 2019 ay ilang Filipino veterans ang ginawaran ng United States Congressional Gold Medal kaugnay sa National Heroes Day sa Filipinas.
Ikalawang pagkakataon ito na ginanap ang paggagawad sa Filipinas kasunod ng ginawang September 2018 awarding sa US Embassy sa Roxas Boulevard, Manila.
Taong 2017, isang medal of honor ang inihandog sa 260,000 Filipino at Filipino-American soldiers na nagsilbi sa U.S. military mula summer ng 1941 hanggang winter ng 1946 para pasalamatan sila sa kanilang serbisyo at sakripisyo sa panahon ng digmaan.
Ang unang seremonya ay ginanap sa U.S. Capitol building sa Washington D.C. noong Oktubre 25, 2017. VERLIN RUIZ
Comments are closed.