CALOOCAN CITY – UMABOT sa 40 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos ang naganap na sunog sa isang residential area sa lungsod na ito kahapon ng madaling araw.
Ayon kay FO1 Zoren Cabagay ng Bureau of Fire Protection (BFP), ala-1:30 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa isa sa mga bahay sa Millionaires Compound, Brgy. 8 na mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing kabahayan na pawang mga gawa sa light materials.
Agad itinaas ang sunog sa ikalawang alarma kung saan nadamay na tinupok ng apoy ang isang junk shop at mga sari-sari store na idineklarang under control ng BFP matapos ang mahigit isang oras.
Sa pahayag ng residenteng nadamay sa sunog na si Ailine Habana, natutulog sila nang biglang magising dahil sa sunog kung kaya tumalon sila ng kaniyang mga anak sa bintana para makaligtas.
Pansamantalang nanunuluyan sa kalapit na basketball court ang mga pamilyang nasunugan habang agad namang nagpaabot ng tulong na pangunahing pangangailangan ng mga biktima ang lokal na pamahalaan ng Caloocan. VICK TANES
Comments are closed.