UPANG higit na maprotektahan ang mga bata o menor de edad mula sa pang-aabuso, pananamantala at diskriminasyon, inihain ni House Committee on Women and Gender Equality Chairperson at Bataan 1st. Dist. Rep. Geraldine Roman ang panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na kaparusahan sa mga nabanggit na kaso.
Sa kanyang iniakdang House Bill No. 226, iminumungkahi ng House panel head ang pag-amyenda sa Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act”.
Kabilang na rito ang pagkakaroon ng kaparusahan na 14 years to 17 years imprisonment sa sinumang mapatutunayang nagsamantala, gumamit, nanghikayat, o pupuwersa sa isang bata sa malaswang gawain o magmodelo sa isang mahalay na pahayagan at ang pagbenta o pamamahagi nito.
Pagbibigay-diin pa ni Roman, kung ang batang biktima naman ay wala pa sa edad na 12 taong gulang, nais niyang ang pagkakakulong ay maging 30 taon at isang araw hanggang 40 taon, bilang siyang parusang kahaharapin ng nagkasala.
Sa ilalim din ng HB 226, ang sinumang indibidwal na mahuhuling kasama ang isang menor de edad, 12 taong gulang at pababa o 10 taon at mahigit na mas bata sa kanya, sa pampubliko o pribadong lugar (hotel, motel, beer joint, discotheque, cabaret, atbp.), ay parurusahan ng 14 taon, 8 buwan at isang araw hanggang 17 taon at 4 buwan na pagkakakulong bukod pa sa multang hindi bababa sa P500,000.
Paglilinaw ni Roman, hindi sakop ng probisyong ito ang sinumang indibiduwal na kamag-anak ng bata hanggang sa fourth degree of consanguinity o affinity, o anumang katibayan na kinikilala ng batas.
Mayroon ding probisyon ang nasabing panukala sa sinumang indibiduwal na magpipilit sa isang bata na mamalimos o gagamit sa kanila bilang isang middleman sa pagtutulak ng droga at iba pang ilegal na gawain, ay mahaharap sa pagkabilanggo mula 12 taon at isang araw hanggang 30 taon.
Hinggil naman sa child labor, ipinapanukala ni Roman na parusahan ang lumabag ng isa hanggang anim na taon na kulong at multang hindi bababa sa P100,000 hanggang P400,000, o depende sa pagpapasya ng hukuman.
Nakasaad din sa proposed measure ng Bataan lawmaker ang patungkol sa diskriminasyon, partikular sa mga batang nabibilang sa tinatawag na indigenous cultural communities.
Paggigiit ni Roman, pantay-pantay na pagkakataon, mabuting pagtrato sa bawat Pilipino ang kanyang ninanais, kung saan ang bawat indibidwal ay hindi dapat makararanas ng panghahadlang, maling pananaw o kagustuhan, maliban kung ito’y may pagkakaiba at malinaw na makatwiran; at matatag din, aniya, ang kanyang paninindigan, subalit bukas naman ang isipan sa pagsulong ng pagkakataon para sa lahat na walang kinikilingan sa kayamanan, katayuan o pagiging miyembro ng isang ma-impluwensiyang sektor ng lipunan. ROMER R. BUTUYAN