QUEZON CITY – HINULI ng pinagsanib na puwersa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at pamahalaang lungsod ng Quezon ang may 40 tricycle na pumasada sa kahabaan ng Katipunan Avenue.
Labis na ikinagulat ng mga driver ng tricycle ang isinagawang operasyon ng MMDA dahil ang alam aniya nila ay nagkasundo na ang naturang ahensiya at ang lokal na pamahalaan na exempted umano sila sa pagbabawal sa mga tricycle sa mga national road at sa mga highway.
Kung kaya’t para sa mga driver ng tricycle ay perwisyo sa kanilang biyahe ang ginawang panghuhuli ng MMDA.
Sa panig naman ng MMDA, sinabi nito na wala rin silang natanggap na abiso mula sa lokal na pamahalaan na nagsasabi na pansamantala munang papayagan ang mga tricycle na pumasada sa kahaban ng Katipunan Avenue.
“Napag-usapan kahapon together with the vice mayor of Quezon City na gagawa sila ng sulat to MMDA requesting the exemption of tricycle ban sa Katipunan. ‘Yun po ang hinihintay namin,” ayon ito sa head ng MMDA Special Operation Group na si Bong Nebrija.
Nabatid na ipinagbawal ng MMDA ang mga tricycle na pumasada sa mga major road ng Metro Manila para maiwasan ang mga aksidente at maproteksiyunan ang kapakanan ng mga commuter lalo na ng mga estudyante na kadalasang ginagamit na service ay tricycle dahil sa mura ang bayad dito.
Iginiit ni Nebrija na ang pagbabawal sa mga tricycle sa mga major road ay isang traffic regulation na matagal nang ipinatutupad ng ahensiya. MARIVIC FERNANDEZ