40 YRS KULONG, P5 M MULTA SA ‘VOTE BUYING’

ISINUSULONG ng isang party-list solon na mapabilang sa hanay ng ‘heinous crimes’ ang pagsasagawa ng ‘vote-buying’, na mayroong mabigat na kaparusahan sa sinumang mapatutunayang nagkasala.

Sa House Bill No. 1709 na inihain ni Malasakit at Bayanihan party-list Rep. Anthony Golez Jr., binigyan-diin niya na dahil sa malaking kahalagahan ng ‘right to suffrage’ o karapatang bumoto ng bawat kwalipikadong mamamayan ng bansa, mayroong itong hiwalay na probisyon sa Saligang Batas.

Subalit sa nakalipas na mga eleksi1yon, ani Golez, tila nagiging laganap na diumano ang ‘vote-buying’ kaya naman halos na nawawala na ang kahalagahan ng pagboto at nagiging kuwestyunable rin ang integridad ng resulta ng halalan.

Upang masolusyunan ito, iminungkahi ng Malasakit at Bayanihan party-list congressman na maisama bilang isang karumal-dumal na krimen ang pagbili ng boto at magsilbi itong babala sa mga gagawa ng vote-buying at maging sa mismong mga botante.

Kaya naman nais ni Golez na parusang kulong na 20 hanggang 40 taon, multa na hindi bababa sa P5 million at habambuhay na diskuwalipikasyon sa anumang government position ang ihatol sa nasa likod ng vote buying.

Sa mga mapatutunayan namang tumanggap ng pera o anumang bagay na may kaukulang halaga kapalit ang pagboto sa partikular na kandidato, ipinanukala naman ni Golez na ito ay mapatawan ng parusang kulong na isa hanggang anim na taon, multa na hindi bababa sa P100,000 at perpetual disqualification to hold public office. ROMER R. BUTUYAN