(400 boga nakumpiska) 115 SOCMED ACCOUNTS NA NAGTITINDA NG ILLEGAL FIRECRACKERS ISINARA

AABOT sa 115 social media accounts na nagbebenta ng illegal firecrackers ang ipinatanggal  ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).

Ayon kay PNP-ACG Director BGen. Bernard Yang, ang mga na-down na socmed accounts ay 59 Facebook accounts, 54 na X o dating Twitter, isang website at isang Spotify.

Aniya, patuloy ang cyber patrolling ng kanyang mga tauhan laban sa mga ilegal na aktibidad sa internet.

Habang inamin din ni Yang na mayroon pa silang binabantayang 200 social media accounts na may mga ibinebentang ipi­nababawala sa online.

Una nang ipinahayag ni PNP Public Information Office Chief Brig. Gen. Jean Fajardo na aatasan ng liderato ng organisasyon ang PNP-ACG upang pigilan ang online selling ng ilegal na paputok kasama ang tutorial na boga.

Samantala, aabot sa 400 boga ang nakumpiska ng Rizal Provincial Police Office sa iba’t ibang lugar sa nasabing lalawigan.

Ang boga o kanyong gawa sa PVC pipes  ay isang pampaingay na  ipi­nagbabawal tuwing dumarating ang Bagong Taon.

Maigting din ang paalala ng awtoridad  na bawal ang paggawa at paggamit ng boga dahil  ikinokonsidera itong  mapanganib alinsunod sa Republic Act 7183.

Ang sinumang mahuling gumagamit, guma­gawa, o nagbebenta ng boga at mga ilegal na paputok  ay maaaring patawan ng multa o pagkakakulong, depende sa bigat ng paglabag.

EUNICE CELARIO