(Strictly no politics, love lang!) 400 KATAO NAKINABANG SA MEDICAL MISSION NG MEDIA

medical mission

NAVOTAS CITY – MAY temang “Love lang” o pag-ibig sa kapuwa ang medical mission na isinagawa ng kalipunan ng mga media personality/outfit sa dalawang barangay nitong buwan lamang.

Aabot sa 385 katao na karamihan ay kabataan at ina ang nakinabang sa medical mission na itinaguyod ng Global CAMG, MEtv, DZME, News on C, China Theater at  PTV 4 habang na­ging katuwang din ang PILIPINO Mirror at ang vlogger na sina Kikay’ Café at The Journo Nazi.

Noong Nobyembre 10 ay unang nagsagawa ng medical mission and free Chinese movie showing ang grupo sa Simona Subd. Brgy. San Isidro, Taytay, Rizal kung saan 130 katao ang nabiyayaan ng free medical checkups at haircut binigyan ng libreng gamot, vitamins, slippers, anti-mosquito patch at bath soap.

Habang nakapanood din ng libreng Chinese drama na Beijing Love Story ang mga residente roon.

Noong Nobyembre 24 ay tinangkilik din ng mga residente ng Brgy. NBBS Kaunlaran, Navotas City ang medical mission ng grupo na ginanap sa Phase 1-A basketball court sa pahintulot naman ni Chairman Toto Natividad at suporta ng barangay officials na sina Kagawad Dan Villano, Ronald Beduya, Paolo Mesina, Bong Miralles at Boy Cabral, kasama rin si Samahan ng taga-Kapitbahayan (STK) Board Member Jay Soriano.

Lumagpas ng 155 katao ang target na 100 residente sana dahil kabuuang 255 katao na karamihan ay kabataan, ina at buntis ang na­bigyan ng free medical checkups,  haircut,  Chinese cartoon movie at iba pang freebies gaya ng vitamins, toothbrush, slippers, bottled water, anti-mosquite patch at hamburgers.

Sidelight sa dalawang medical mission ang pagpapasaya ng mga bata dahil nagsagawa ng games sina Paul Sales, Global CAMG VP for Operations/TV and radio anchor-host katuwang sina  Chris Tapiro at Jasper Bundoc.

Punong abala rin sa magkahiwalay na event sina Michelle “Shane” Lee, COO ng Global CAMG, Feng Orgas, HR-Admin, Kevin Tee, Ildefonso Sentina at iba pang staff ng nasabing media outfit.

Habang tigib ang pasalamat ng grupo sa mga doktor na nakibahagi sa medical mission na sina  Dr. Soc Manuel, Nellie del Rosario at Nurse Lelma Viray.

Pinasalamatan din ang mga haircutter na sina Noli Clarion at Melvin delos Reyes gayundin ang ibang media personality na nakibahagi sa nasabing love sharing event. EUNICE C.

Comments are closed.