DAGUPAN- NAKAKUMPISKA ang Dagupan City Agriculture Office (DCAO) ng humigit-kumulang 400 kilong bilasang mga bangus na nadiskubre sa Magsaysay Public Market ng lungsod.
Ayon kay Patrick Dizon, ang Officer in Charge ng naturang tanggapan, resulta ito ng ginagawang oplan sita ng mga kasapi ng Anti Littering ng City Market Division na ang mandato ay magsagawa ng inspection sa tindahan para makita ang mga lumalabag.
Sa pagkakakumpiska sa kahon- kahong na naglalaman ng nasabing mga bangus ay agad nilang ipinagbigay alam ito sa City Agriculture Office.
Nakipag-ugnayan din ang tanggapan sa City Health Office at Sanitation Division dahil mandato nilang suriin ang produkto at sila rin ang magdedeklara na hindi na ligtas na kainin ang produkto at maaaring makasasama sa kalusugan ng tao.
Agad ding tinurnover ang mga ito sa Waste Management Division para sa proper disposal para masigurong hindi na maibebenta pa.
Dagdag pa ni Dizon na sa ngayon ay hindi nila direktang masabi kung ang mga bangus ay patsy na nang iahon sa tubig o matagal nang naimbak sa mga kahon kaya nabilasa.
Napag-alaman na naggaling ang mga isda sa Western Pangasinan ngunit walang maipakitang papeles ang mga tindera. EVELYN GARCIA