400 KILONG BOTCHA NASABAT SA DIVISORIA

BOTCHA

PINAG-IINGAT nga­yon ang publiko sa pagbili ng mga karne ng baboy matapos na masabat ng mga tauhan ng Manila Veterinary Inspection Board (MVIB) sa Divisoria ang aabot sa 400 kilong botcha o double dead meat.

Ayon sa pamunuan ng MVIB, ang nasabing mga botcha ay hindi dumaan sa meat inspection ng ahensya kaya  naipuslit ito sa Maynila upang maibenta sa mga mamimili.

Hindi rin umano dumaan sa meat inspection ang mga nakumpiskang karne na may balahibo at dugo pa na maaaring magdulot ng samut-sa­ring sakit sa mga mamimili.

Paliwanag ng ahensya, lubhang delikado ang pagkain ng botcha dahil maaari itong ma­ging sanhi ng food poisoning at iba pang mga sakit na maaaring makamatay.

Nabatid na ibinibenta ang mga botchang karne sa halagang P120 kada kilo na mas mura kompara sa karaniwang pres­yo kada kilo ng karne ng baboy na P220.

Wala namang naa­ares­tong may-ari ng mga ibinibentang botcha.

Kaugnay nito, nagbabala ang MVIB na maaaring magmulta ng  P100,000 hanggang P1 milyon ang sinumang mahuhuli sa paglabag ng meat inspection code.

Bukod dito, maaari ring makulong ng 6 na buwan hanggang 12 taon ang mahuhuling nagbebenta ng double dead meat.    PAUL ROLDAN

Comments are closed.