NASA proseso na ang National Food Authority (NFA) ng restructuring para masiguro na magpapatuloy sa trabaho ang kanilang mga empleyado na naapektuhan sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law.
Ayon kay NFA OIC Administrator Tomas Escarez, aabot sa 400 ang mga empleyado ng ahensiya na maaapektuhan ng mga pagbabago dulot ng nasabing batas.
Ang mga ito, ani Escarez, ang nakatoka sa ilang mahahalagang gampanin tulad ng paglilisensiya, pagrerehistro at pagmomonitor sa suplay ng bigas sa buong bansa.
Sa ilalim kasi ng inaprubahang implementing rules and regulations (IRR) para sa Rice Tariffication Law, inalis na sa poder ng NFA ang pamamahala sa lokal na industriya ng bigasan, gayundin ang pag-aangkat nito.
“Other than those self-executed provision na may kinalaman sa regulatory kinonfine yung gawain ng NFA sa buffer stocking there would be some possible merging of some provinces para magbawas ng empleyado kasi nga limitado na lang ang kanyang gagawin,” wika ni Escarez.
Sinabi pa ni Escarez na ginagawa na ng NFA ang lahat para hindi masayang ang panahon ng paglilingkod ng mga apektadong kawani ng ahensiya.
“Winoworkout namin they would be on coterminous status hanggang hindi sila umaalis at gusto pa nila magtrabaho andiyan pa rin sila sa NFA. Pangatlo po ‘yung swapping, marami na ring empleyado ang gustong umalis, iswap natin ‘yung item doon sa hindi gustong umalis. Sa totoo lang po hindi naman masyadong apektado lahat because everthing is being done by the management, gov-ernment to compensate these employees,” dagdag pa niya.
Samantala, dismayado ang Bantay Bigas Group sa tuluyang paglalagda ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa IRR ng Rice Tariffication Law.
Ayon kay Cathy Estabillo, tagapagsaila ng nasabing grupo, magdudulot lamang ang naturang batas ng malawakang pagkalugi at kagutuman sa mga magsasaka.
Tiyak na mararamdaman, aniya, ang epekto nito sa buwan ng Setyembre matapos tanggalin ang kapangyarihan ng NFA na i-regulate ang presyuhan ng bigas sa merkado.
Muli nitong iginiit na hindi sila naniniwala na bababa ang presyo ng bigas kung babaha ang imported na bigas gaya ng langis na isinailalim sa trade liberalization.
Bunsod nito, gumagawa ng kaukulang hakbang ang grupo para kuwestiyunin sa Korte Suprema ang nasabing batas na umano’y lalong magpapahirap sa hanay ng mga magsasaka. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.