MAHIGIT sa 400 pamilya ang nawalan ng tirahan at tatlo katao ang nasugatan matapos tupukin ng sunog ang tinatayang higit 100 bahay na pawang gawa sa light materials sa Barangay Damayang Lagi sa Quezon City.
Sa pahayag ni Jinky Salazar, tumatayong presidente ng Isla Noah Association o ang samahan ng mga apektadong residente, 144 bahay ang meron sa kanilang komunidad at sa bawat bahay hindi lang isang pamilya ang naninirahan.
Aminado naman ang mga nasunugan na hindi nila pag-aari ang lupaing kinatitirikan ng kanilang mga bahay.
Ayon sa mga residente, hindi ito ang unang beses na nagkasunog sa lugar, pero dagdag nila na ito na ang pinakamalaki.
Sa laki ng sunog, kinailangan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na itaas sa Task Force Alpha ang sunog kung saan nasa 24 na firetrucks ang kinailangang rumesponde.
Ayon kay FSSupt. Jerome Reano, Assistant Regional Director for Administration ng BFP-NCR, mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials ang mga nasunog na bahay.
Sa ulat naman ng BFP, tatlo ang bahagyang nasugatan sa kasagsagan ng sunog.
Sa kasalukuyan ay pansamantala nanunuluyan ang mga nasunugan sa isang semenaryo na malapit sa kanilang lugar. EVELYN GARCIA