400 PINOY NURSE WANTED SA GERMANY

germany

SAN JUAN CITY – TUMATANGGAP na ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng mga aplikasyon para sa nurse sa ilalim ng Triple Win Project ng bansang Germany.

Ang mga kuwalipikadong aplikante ay dapat na Filipino citizen, lalaki o babae, at permanenteng residente ng Filipinas na mayroong Bachelor of Science in Nursing, may aktibong Philippine Nursing License at may dalawang taon na professional experience (bedside) sa mga ospital, rehabilitation center at/o care institution.

Ang Triple Win Project ay isang joint initiative ng German Federal Employment Agency (BA) at ng POEA na layuning makapagpadala ng mga nursing professional sa iba’t ibang panig ng Germany. Ang proyekto ay tinawag sa nasabing paraan dahil ang makakukuha ng benepisyo ay ang tatlong partido: ang Filipinas, Germany, at mga nurse.

Ang aplikante ay dapat na mayroong German language proficiency o handang sumailalim sa German language training sa Filipinas upang magkaroon ng Level B1 (na babayaran ng employer) at kailangan silang dumalo sa mga language class sa Abril at Mayo 2019; o may Bl or B2 Language Proficiency Level alinsunod sa Common European Framework of Reference for Languages.

Ang mga makukuhang aplikante ay magkakaroon ng panimulang buwanang suweldo na €1,900 (gross) na tataas pa sa €2,300 matapos ng kilalanin bilang qualified nurse.

Ang employer rin ang magbabayad ng visa at tiket sa eroplano mula Filipinas patungo sa Germany at tutulu­ngan ang mga emple­yado na makahanap ng maayos na tutuluyan. Ang mga napiling nurse ang siyang magbabayad o sasagot sa gastusin para sa board and lodging.

Ang mga kuwalipikadong aplikante ay dapat magparehistro online sa www.eservices.poea.gov.ph at personal na magsumite ng mga kinakailangang dokumento (fastened sa isang folder) at may heading na “German Federal Employment Agency RSF No. 180028” sa Manpower Registry Division,  Ground Floor, Blas F. Ople Bldg. (formerly POEA Bldg.), Ortigas Avenue corner EDSA, Mandaluyong City.

Ang mga dokumentong kailangan ay cover letter at curriculum vitae na mayroong colored passport size picture; High School Diploma (notarized copy); Nursing Diploma (notarized copy); Board Certificate at kopya ng lisensya mula sa Professional Regulation Commission (PRC); Certificate of employment in related field (previous and current) (notarized copy); Attendance at/o level certificate sa German language, kung mayroon; kopya ng valid Passport; at Certificate ng POEA online Pre-employment Orientation Seminar (PEOS) (peos.poea.gov.ph).

Ang mga aplikante ay kailangang magpakita ng mga orihinal na dokumento para sa authentication ng mga impormasyon bago ito ipadala sa employer.

Nakatakdang magsagawa ng interview ang mga employer sa pagtatapos ng Marso 2019.

Habang ang deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon sa POEA Central at Regional Offices ay sa Pebrero 28, 2019. PAUL ROLDAN

Comments are closed.