400 PINOY SA MV DIAMOND PRINCESS UUWI NGAYON

Maria Rosario Vergeire

MAYNILA – KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na pauwi nna ngayong araw, Pebrero 25, ang mahigit 400 Pinoy na crew ng MV Diamond Princess na nakadaong at naka-quarantine sa Yokohama, Japan dahil sa banta ng 2019 coronavirus disease (COVID-2019).

Inamin naman ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, hindi pa rin naman umano tiyak ng pamahalaan ang eksaktong bilang ng mga Pinoy na pauuwiin sa bansa ngunit mahigit 400 umano sa mga ito, na pawang asymptomatic o walang sintomas ng sakit, ang nagpahayag na ng kagustuhang umuwi at inaasahang makakasama sa repatriation.

Gayunman, bago tuluyang pauwiin sa bansa ay kinakailangan munang dumaan ang mga ito sa pagsusuri at kung asymptomatic pa rin ay saka lamang papayagang sumakay sa eroplanong maghahatid sa kanila sa bansa.

Matatandaang noong Pebrero 23, pa sana nakauwi ang mga ito subalit ipinagpaliban matapos na hindi makumpleto ang pag-susuri sa kanila laban sa COVID-19.

Ididiretso ang mga ito sa Athlete’s Village sa New Clark City, Capas, Tarlac, upang doon i-quarantine ng panibagong 14 na araw bago tuluyang payagang makauwi sa kani-kanilang tahanan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.