UMAABOT sa 400 mga estudyante ng Quezon City ang nagtapos kamakailan sa skills training program na malaking tulong para makahanap ang mga ito ng maayos na trabaho.
Sinabi ni Quezon City Acting Mayor Joy Belmonte, ang mga benepisyaryo ay tinuruan din sa training upang makapagtayo ng sarili nilang negosyo.
Sinabi nito na mas may dignidad na turuang magtrabaho ang mga jobless kaysa limusan sila ng kaunting tulong na agaran ding mauubos.
Ang Special Training for Employment Program (STEP) ay programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na pinapatupad ng pamahalaang lungsod para tulungan ang mga mahihirap, lalo na ang mga out-of-school youth, high school dropouts, at solo parents na edad 15 pataas.
Ipinatupad din ito sa Quezon City Jail (QCJ) kung saan 100 preso ang nakapagtapos sa 18 araw na hilot training course.
Hinimok ni Belmonte ang mga nagsipagtapos na gamitin sa tama ang kanilang pinag-aralan upang kanilang maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay, pati na rin ng kanilang pamilya.
Sa 340 na nagtapos, 112 ang kumuha ng Hilot (Wellness Massage) National Certificate II (NC II) course ng TESDA.
Maaari nang mamasukan bilang massage therapists ang mga bagong graduates o maging hilot sa kanilang barangay.
Samantala, 228 naman ang nagtapos ng Motorcycle Small Engine Servicing (MSES) course.
Nakatanggap sila ng Certificate of Competency (COC) mula sa TESDA.
Habang nagsasanay, bawat trainee ay nakatanggap ng P60 kada araw na allowance bukod sa libreng tool kits.
Ayon kay Christian Bautista, training unit head ng Quezon City Skills and Livelihood Foundation, Inc. (QCSLFI), sumailalim at pumasa ang mga trainee sa assessment ng TESDA bago nakatanggap ng National Certificate, na kinikilala maging sa abroad. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.