CAMP CRAME – NASA 4,000 miyembro ng Civil Disturbance Management ng Philippine National Police (PNP) o anti-riot police ang magbabantay sa nasa 20,000 raliyista ngayong araw.
Ito ang naging pahayag ni Chief Supt. Benigno Durana Jr. spokesman ng PNP, kaugnay sa ikinasang demonstrasyon ng iba’t ibang grupo sa pagdiriwang ng ika-46 taon ng martial law.
“Motivated by different shades of vested interests, various groups monitored to be led by the Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front will hold various protests in Metro Manila and other key cities today,” ayon kay Durana.
Pinatitiyak naman ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde na paiiralin nila ang maximum tolerance sa mga magsasagawa ng kilos protesta ngayong araw.
Samantala, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, sa simula pa lamang ay kinikilala na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kalayaan sa pagtitipon at karapatan sa pagpapahayag ng saloobin ng bawat Filipino.
Ayon sa kalihim, una sa lahat din ay hindi naman si Pangulong Duterte ang nagdeklara ng Martial Law noong Setyembre 21, 1972.
Kasabay nito, nanawagan ang Malacañang sa mga raliyista at iba pang sektor na maghahayag ng kanilang damdamin sa isasagawang kilos protesta bukas na panatilihin ang kapayapaan at maayos na demonstrasyon sa mga lansangan para hindi makaperwisyo sa publiko.
Dagdag pa ni Durana, bukod sa 4,000 anti-riot police, mahigit 1,000 na reserved force na naka-standby sa kampo at ready for deployment.
Ibinunyag ni Durana na ang planong pagpapabagsak ng CPP-NPA-NDF kay Duterte ay may tatlong elemento-ito ay sa pamamagitan ng mass movement o kilos protesta, building alliances, propaganda at international solidarity.
Umapela rin ito sa mga estudyante na huwag nang makiisa sa gagawing kilos protesta bukas. EUNICE C.
Comments are closed.