UMAABOT pa sa 4,008 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa araw ng Sabado habang nakapagtala rin sila ng 423 mga namatay pa dahil sa naturang karamdaman.
Batay sa case bulletin #595, na inilabas ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umaabot na sa ngayon sa 2,783, 896 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang kabuuang bilang, 1.7% na lamang o 47,690 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman, kabilang dito ang 74.4% na nakararanas ng mild cases, 11.27% na moderate, 5.1% na asymptomatic, 6.5% na severe at 2.7% na kritikal.
Nakapagtala rin ang DOH ng 6,887 bagong gumaling sa karamdaman kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 2,693,162 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 96.7% ng total cases.
Sa ngayon ang Pilipinas ay mayroon nang kabuuang 43,044 COVID-19 deaths o 1.55% ng total cases.
Samantala, iniulat ng DOH na mayroon pa rin namang 54 duplicates ang inalis ng DOH sa total case count, kabilang dito ang 44 recoveries.
Mayroong 337 pasyente na unang tinukoy bilang recoveries ang malaunan ay nireklasipika matapos na lumitaw sa pinal na balidasyon na binawian na pala sila ng buhay.
“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong October 28, 2021 habang mayroong 4 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS),” anang DOH.
“Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 4 labs na ito ay humigit kumulang 0.1% sa lahat ng samples na naitest at 0.08% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anito pa.
Patuloy pa rin naman ang paalala ng DOH sa publiko na huwag maging kampante at manatiling maging maingat upang hindi dapuan ng COVID-19. Ana Rosario Hernandez