TAWI-TAWI- NASA 400 libong litro ng smuggled diesel ang kinumpiska ng mga tauhan ng 112th Marine Company katuwang ang Philippine National Police (PNP) mula sa isang dayuhan at isang lokal na barko sa Lihiman Island, Taganak, Turtle Islands sa lalawigang ito.
Ayon kay Brig. Gen. Romeo Racadio, Commander ng Joint Task Force Tawi-Tawi, bago inilunsad ang nasabing operation ay nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa hinihinalang fuel pilferage sa naturang barangay.
Agad na nakipag-ugnayan ang Taganak Municipal Police Station sa militar tungkol sa sinasabing ilegal na pagdiskarga ng diesel sa Lihiman Island sa bayan ng Taganap na nagresulta sa pagkakakumpiska sa may 400,000 litro ng diesel.
Naaktuhan ng joint operatives ng Marine at PNP ang 16 na crew ng Malaysian vessel na Marnia Penang na nagdidiskarga ng krudo sa lokal na barkong Jaslyn Stacy Legazpi.
Inamin naman ng kapitan ng motor tanker Jaslyn Stacy Legazpi na nagmula ang kanilang barko sakay ang 13 crew sa Navotas at 3 araw silang naka-angkla sa lugar habang hinihintay pa ang isang barkong may dalang karagdagang 200,000 litro ng diesel.
Ang dalawang barko ay dinala na sa Taganak Pier at itinurn-over sa Philippine Coast Guard (PCG) sa Turtle Islands .
Target din alamin ng mga awtoridad kung may fuel marker ito para kumpirmahing kung totoong smuggled fuel ang karga ng mga nasabat na barko. VERLIN RUIZ