4,085 “AREAS OF CONCERN” SA BSKE TINUKOY NG PNP

DALAWAMPU’T PITONG lugar ang kinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) na posibleng isailalim sa kontrol ng Commission on Elections (COMELEC) na nasa red category habang 4,085 naman ang “areas of concern” para sa Barangay And Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).

Ayon kay PNP Deputy chief for Operations Lt Gen Michael John Dubra, kabilang sa maaaring ituring bilang red areas ay ang Maguindanao, North Cotabato, Basilan, Sulu at ilan pang special geographic area.

Mayroon pang 323 areas na maaaring ilagay sa orange category, 4,085 yellow category at 37,683 green category.

Kasabay nito, isusumite na ang kanilang assessment sa COMELEC para sa pag-apruba.

Ang red category ay kombinasyon ng yellow at orange category na may mataas na banta mula sa rebelde, matinding karahasan at intense political fights sa mga magkakalabang local candidate at maaaring isailalim sa Comelec control.

Ang orange category ay mayroong presensiya ng rebelde na tinaguriang “areas of immediate concern.”

Ang yellow category ay kombinasyon ng presensya ng armed groups, nagkaroon ng karahasan sa nakalipas na dalawang eleksyon at mayroong political rivalries at tinawag na “areas of concern.

Habang ang green ay nangangahulugang “go ang eleksyon” dahil asahan ang mapayapang halalan.

Itinakda ang BSKE sa darating na Oktubre 30.

Una nang sinabi ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang paglalagay nila ng kategorya sa mga lugar ay ibabatay sa intelligence reports, election history of the area at political rivalry.

Paglilinaw naman ni Acorda na hindi lang mula sa PNP ang intelligence gathering kundi kombinasyon ng mga report mula sa Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines at Comelec representatives.

“But of course, we don’t rely only on our organization (PNP), but this is a joint input with the Coast Guard and Armed Forces of the Philippines and of course with the Comelec representatives,” ani Acorda.
EUNICE CELARIO