MAIHAHATID na ng Department of Education ang 40,000 laptops sa mga guro, paaralan at field offices para magamit ngayong ikalawang taon na ang distance learning.
Tiniyak ni Education Secretary Leonor Briones na malaki ang maitutulong ng mga laptop habang patuloy na ipinatutupad ang Basic Education-Learning Continuity Plan ganoon din ang pagbibigay ng technical support sa field offices sa buong bansa.
Sinabi naman ni Education Undersecretary Alain Pascua na responsibilidad pa rin ng gobyerno na bigyan ng laptops ang public school teachers, na karamihan ay gumagamit ng kanilang sariling devices sa pagtuturo sa distance learning.
“Our direction is to provide laptops for each teacher and our DepEd offices,”dagdag ni Pascua.
Binili ang laptops sa pamamagitan ng Department of Budget and Management-Procurement Service na ang pondo ay galing sa Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2).
Matatandaang lumabas sa isang pag-aaral ng National Research Council of the Philippines na nakararaming bilang ng mga guro ang gumagamit ng sarili nilang pera para sa gadgets at internet sa nakaraang school year.
Noong Mayo ay inianunsiyo na naglaan ng P2.4 billion ang DepEd mula sa Bayanihan 2 upang bumili ng laptops para sa 68,500 personnel.