ITINURING ng Philipine National Police (PNP) na “relatively peaceful” ang paggunita sa Undas o Araw ng mga Patay at Araw ng mga Santo.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief BGen. Jean Fajardo, hanggang alas-3 ng hapon nitong Sabado, wala naitalang untoward incident at karahasan sa loob ng sementeryo at anumang may kinalaman sa pag-obserba sa Undas.
Napigilan ito ng kanilang pinaigting na pagbabantay sa sementeryo kung saan may mga nakumpiskang matatalim na bagay na maaaring makasakit.
Gayundin, ang inspection at pagposte ng mga pulis sa iba’ibang libingan at maging sa mga bus terminal, paliparan at daungan.
Sinabi pa ni Fajardo na kabuuang 40,115 PNP personnel ang idineploy sa mga istratehikong lugar para matiyak ang kaligtasan ng publiko para sa paggunita sa Undas.
“Relatively peaceful as of 3pm as no untoward incident recorded. Total number of deployed personnel 40,115, ” ayon kay Fajardo.
Samantala, itinuturing namang isolated case ang pagkasunog ng kabahayan sa likurang bahagi ng Bagbag Cemetery sa Novaliches, Quezon City.
Kahapon, Nobyembre 3 ay maigtimg pa rin ang pagbabantay ng mga pulis sa mga kalsada at sementeryo dahil nagpapatuloy pa rin ang pagdalaw ng mga tao sa namayapa nilang mahal sa buhay.
EUNICE CELARIO