UMAABOT na sa 40,000 ang testing capacity ng bansa sa coronavirus disease o COVID-19 sa kada araw.
Sinabi ni COVID-19 Response Deputy Chief Implementer Vince Dizon na plano ng gobyerno na paigtingin ang pagsisikap nito sa paglaban sa virus sa pamamagitan ng pag-abot sa target na 50,000 tests sa kada araw ngayong buwan ng Hunyo.
Mayroon nang 41 Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) laboratories at 13 genexpert machines ang bansa habang 141 ang pending applications para sa accreditation ng COVID-19 testing centers.
Hinimok ni Dizon ang publiko na tumingin sa positivity rate ng bansa na nasa 6% hanggang 7%. Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa virus mula sa kabuuang bilang ng mga sumasailalim sa test.
Kaugnay nito ay binuksan na ang molecular laboratory sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon sa loob ng compound ng Ospital ng Imus sa Cavite makaraang aprubahan ng Department of Health (DOH) ang license to operate nito upang epektibong masuri ang mga COVID-19 case rito at maging sa ibang bayan.
Pinuri ni DOH Regional Director Eduardo C. Janairo ang local government ng Imus sa pangunguna ni Mayor Emmanuel L. Maliksi sa inisyatiba para rito. “Ito ang dapat na matupad sa ating mga LGU sa ating rehiyon, ang magkaroon ng tulungan upang makapagtaguyod ng mga proyektong magdudulot ng pagbabago lalo na sa larangan ng pangkalusugan. Kailangang maging independent na tayo sa mga health facilities sa Metro Manila at palakasin natin ang kakayahan ng ating mga pasilidad upang hindi na tayo umasa pa sa mga pagamutan sa labas ng ating rehiyon.”
“Ang laboratoryong ito ay isang napakagandang proyekto upang masagot ang pangangailangang pangkalusugan ng ating mamamayan. Ito ay magagamit natin hindi lang ngayong panahon ng epidemya kundi sa susunod pang henerasyon at sa maraming paraan at pagsusuri ng iba pang mga sakit upang mabigyan natin ng agarang lunas,” pahayag pa ni Janairo.
Ang testing facility ay ikalawang LGU- instituted laboratory sa bansa. Ang una ay nasa Marikina.
Ito naman ang ika- 54 DOH-accredited COVID-19 Testing Facility sa bansa.