DAHIL sa puspusang pagtugon ng Las Piñas Government sa mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), Sinabi ni Las Piñas City Health Office (LPCHO) chief,Dr. Ferdinand Eusebio na 41 pasyente ang gumaling as of June 23, na pinakamalaking bilang ng recovery cases sa lungsod.
Ikinagalak naman ni Mayor Imelda “Mel” Aguilar ang panibagong pagkakatala ng mga pasyenteng gumaling kung saan umabot na aniya sa kabuuang 275 recoveries sa buong siyudad.
Ayon pa sa alkalde, ang mga nakikitang factors o dahilan kaya mabilis ang pagbuti ng lagay ng COVID cases sa lungsod ay dahil sa mga inilatag na health protocols ng Las Piñas Government kasama na rito ang paglalagay ng mga converted isolation facilities kaya agad naihihiwalay aniya ang mga nagpositibo at mga nagpakita ng sintomas ng sakit,binibigyan sila ng masusustansiyang pagkain, gamot, at wastong pangangalaga habang naka-quarantine, paglilipat sa tertiary hospital kung may iba pang sakit ang pasyente at ang tuloy-tuloy na Expanded Targeted Testing na isinasagawa sa lungsod.
Kabilang aniya sa mga gumaling na pasyente ay mula sa mga Barangay Almanza Uno, Almanza Dos, CAA, Daniel Fajardo, Manuyo Uno, Manuyo Dos, Pamplona Tres, Pilar, Elias Aldana, Pulanglupa Uno, Pulanglupa Dos, Talon Dos at Talon Kuwatro.
Ayon sa LPCHO, nasa 428 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19,275 rito ang gumaling o nakarekober na sa sakit, 33 ang nasawi, 120 active case, 45 sa probable at 43 naman sa suspect. Idinugtong pa ni Dr. Eusebio na malaking tulong din ang isinasagawang mas maigting na screening at contact tracing sa mga residenteng posibleng nakasalamuha o na-expose sa mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.
Patuloy aniya ang lokal ng pamahalaan sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga pasyente na nakaquarantine sa isolation facility sa LIGTAS for COVID Center sa Las Piñas sa Barangay Daniel Fajardo at handa na rin ang LIGTAS for COVID Center na nasa Golden Acres Subdivision, Barangay Talon Uno. Nagpapatuloy din ang isinasagawang rapid at swab testings sa mga suspected COVID cases sa lungsod.
Kabilang sa mga sumalang na sa testings ang mga health care workers, mga kawani ng city hall, BJMP personnel,mga tauhan ng Las Piñas City Police,barangay workers, mga guro,iba pang frontliners,pedicab at tricycle drivers sa lungsod. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.