41 LUGAR SA LABAS NG METRO NASA QUARANTINE NA RIN

Secretary-Eduardo-Año

UMIIRAL na rin ang community quarantine sa 41 lugar sa dalawang rehiyon sa labas ng Metro Manila, ayon kay Interior Secretary Eduardo Año.

Ang pagsasailalim sa community quarantine ay naglalayong pigilan ang paglawak ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Kahapon ng mada­ling araw, Marso 15, ay epektibo ang NCR quarantine kasabay ng pagposte ng 56 checkpoints.

Magugunitang nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 12 ng gabi ang Code Red Level 2 alinsunod sa resolution 11 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease, sinabi nito na kanyang ipinauubaya sa local government units kung mag-dedeklara rin ng community quarantine sa kanilang mga nasasakupan.

Kabilang sa mga lugar ang  Oriental Mindoro, Bohol, Puerto Princesa City, El Nido, Coron sa Palawan, Nasipit, Agusan del Norte, Iloilo City, Ormoc City, Pro­vince of Cebu, Davao City, Antique, Capiz, buong probinsiya ng Ilo­ilo,  Zamboanga City, Batanes, Borongan City at Siargao Islands.

Samantala, nilinaw naman ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas na normal ang sitwasyon sa kanilang lugar subalit tiniyak na maghihigpit sa mga lagusan at pantalan.

Idinagdag pa ni Mandanas na tuloy ang kalakalan sa kanila lalo na ang pangunahing produkto sa kanila ay pagkain kaya walang dapat ikatakot ang kanilang mamamayan.

Ginawa ni Mandanas ang pahayag kasunod ng kumpirmasyon na tatlo ang tinamaan ng COVID-19 sa kanilang kababayan.

Sinabi naman ni Batangas Vice Gov. Mark Leviste na ang tatlong COVID-19 patients ay recovering at improving ang kalagayan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM