41 TODA NAKATANGGAP NG FUEL SUBSIDY PROGRAM

UMAABOT sa 41 Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na binubuo ng 7,424 na tricycle for-hire sa Valenzuela City ang nakatanggap ng fuel subsidy program para tulungan ang mg tsuper sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Ito ay dahil namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pakikipagtulungan ng City Council ng one-time fuel subsidy vouchers na nagkakahalaga ng P500 sa lehitimong mga tricycle driver at operators na mga miyembro ng TODA sa Valenzuela City.

Ang pamamahagi ng fuel subsidy voucher program ay ipinapatupad sa pamamagitan ng City External Service Office – Public Order Safety Group’s Transportation Office sa pamumuno ni Mr. Jay Valenzuela.

Ang fuel subsidy programa ay parte ng Mayor WES Gatchalian’s agenda sa kanyang unang 100 days bilang bagong city mayor.

“Ginawa po nating priority ang transport sector ng ating lungsod dahil isa po ito sa pinaka naapektuhan ng pandemya at kayo po ang dahilan kung paano tayo nagsusurvive sa pandemyang ito, kung wala po ang mga tricycle drivers ay malamang na mas malaki po ang problema natin dito sa lungsod. Hindi naman po kalakihan ang subsidiyang ibibigay natin, pero sana po ay makatulong ito sa inyo. Ang pamahalaang lokal po natin ay tuloy-tuloy na magiisip ng mga progaramg makakatulong sa inyong mga TODA drivers”, ayon kay Mayor Gatchalian.

Pinangunahan din nito ang oath taking ng bagong Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) federation officers. VICK TANES