DAVAO DEL SUR- INIHAYAG ng Bureau of Corrections (BuCor) na nakatakda na nilang ilipat hanggang Disyembre 31 ngayong taon ang 4,150 persons deprived of liberty (PDLs) sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF) sa lalawigang ito.
Sa pahayag ng BuCor, ang paglipat ng mga PDL ay binanggit ni Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. sa kanyang ulat sa Senate Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Senador Francis Tolentino.
Sinabi ng BuCor na hindi bababa sa 1,000 PDL ang inilipat sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Palawan at sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Mindoro bilang bahagi ng kasalukuyang decongesting ng NBP.
Binanggit din sa ulat ang mga repormang ipinatutupad ni Catapang mula nang maupo siya sa nangungunang posisyon sa BuCor.
Sinabi nito na kabuuang 5,602 PDL ang pinalaya mula sa detensyon mula Nobyembre 2022 hanggang Agosto 2023 bilang bahagi ng ‘Bills Laya Program’.
Dagdag pa nito na ang kawanihan ay nagpatupad ng “Operation Oplan Baklas” na nagresulta sa pagsira sa mga pader ng 2,812 “kubols” o shelters.
Ito ay naglalayong subaybayan nang maigi ang mga aktibidad ng mga PDL lalo na sa mga pagpupuslit ng mga kontrabando.
Una nang nakumpiska ng BuCor ang 3,292 iba’t ibang uri ng kontrabando kabilang ang walong baril na may mga bala at isang hand grenade, 180 electronic devices, siyam na sachet ng Shabu na na-turn over sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at cash money na nagkakahalaga ng P149,743 na idineposito sa Camp Evidence Custodian. EVELYN GARCIA