INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na umabot na sa 1,200 ang bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) kabilang ang 22 na namatay sa nasabing sakit nitong Enero lamang.
Dahil dito, sinabi ng Epidemiology Bureau (EB) ng DOH, nangangahulugan na nasa 42 HIV cases na ang naitatala sa bansa araw-araw.
Batay sa pinakahuling datos ng HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines (HARP) ng DOH-EB, nasa kabuuang 1,248 ang kumpirmadong positibo sa HIV nitong Enero na mas mataas kumpara sa 1,021 kaso nito sa kahalintulad na buwan noong nakaraang taon.
Gayundin, labing-anim (16) na porsiyento o 196 kaso ng mga bagong kaso ay may clinical manifestations ng advanced HIV infection nang panahong matukoy o ma-diagnose ito.
Ayon sa DOH, kabilang sa mga bagong biktima ay walong buntis na mula sa National Capital Region (NCR) (4 na kaso), Ilocos Region (1 kaso), Western Visayas (1 kaso), Central Visayas (1 kaso), at Eastern Visayas (1 kaso).
Nananatili naman umano ang sexual contact ang pangunahing dahilan ng pagkahawa ng sakit ng may 1,223 pasyente o 98 percent ng kabuuang bilang, habang ang iba pang modes of transmission ay pakikigamit ng karayom ng mga drug user sa pagtuturok ng ilegal na droga (9 kaso); mother-to-child transmission (4 kaso) habang hindi tukoy kung paano nahawa ng sakit ang 13-iba pang pasyente.
Pinakamaraming naitalang bagong kaso ng sakit sa NCR (402 cases); Calabarzon (228 cases), Central Luzon (114 cases), Central Visayas (97 cas-es), at Western Visayas (92 cases).
Ayon sa DOH, dahil sa bagong datos, umaabot na ngayon sa 63,278 confirmed HIV cases ang naitala nila sa bansa simula nang madiskubre nila ang unang kaso ng sakit noong 1984. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.