PUMALO na sa 42,046 pulis ang naisalba ng Pinoy doctors at health workers mula sa COVID-19.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) – Health Service, hanggang kahapon, Disyembre 4 ay mayroon pang walong pulis ang nakarekober na nadagdag sa kabuuang bilang ng mga gumaling.
Subalit, mayroon naman limang pulis ang bagong dinapuan ng nasabing virus kaya nasa 42,208 na ang kabuuang kaso nito simula nang ideklara ang global pandemic noong Marso 11, 2020.
Dahil sa panibagong nakarekober, 37 pulis na lang ang ginagamot at naka-isolate sa iba’t ibang health facilities at quarantine facilities.
Sa loob naman ng 24 araw mula nang maitala ang ika-125 na namatay sa COVID-19 noong Nobyembre 10 ay nananatiling ligtas ang organisasyon dahil walang naiulat na nasawi.
Samantala, sa 225,676 na kabuuang puwersa sa PNP, 211,976 na ang fully vaccinated; 11874 ang nakatanggap ng unang dose habang 1,846 naman ang hindi pa nababakunahan dahil sa medical condition at sariling paniniwala sa COVID-19 vaccines.
Bagaman nasa flattening the curve na ang mode sa PNP, patuloy ang panawagan ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos sa kanyang mga tauhan na mag-ingat habang mahigpit ang monitoring na ginagawa naman ni Lt. Gen. Joselito Vera-Cruz bilang komander ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force para mabigyan ng gabay ang mga pulis laban sa nasabing virus. EUNICE CELARIO