4,213 KABATAAN, TUMANGGAP NG SCHOLARSHIP MULA SA BULACAN CAPITOL

scholarship

LUNGSOD NG MA­LOLOS – May kabuuang 4,213 estudyante mula sa lahat ng campus ng Bulacan Polytechnic College at 33 iba pang pribadong kolehiyo at unibersidad ang tumanggap ng scholarship mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno nina Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado at Bise Gob. Daniel R. Fernando sa ginanap na dalawang araw na Scholar’s General Assembly sa Bulacan Capitol Gymnasium noong Marso 19 at Marso 22, 2019.

Tinanggap ng 1,705 estudyante mula sa walong campus ng BPC kabilang ang Malolos Main, Bocaue, Obando, Angat, Pandi, San Rafael, Lungsod ng San Jose del Monte at San Miguel ang kanilang ‘Katibayan ng Pagiging Iskolar’; habang nag-uwi naman ang 5,508 estudyante mula sa 33 iba’t ibang eskwelahan sa loob at labas ng lalawigan ng tseke na nagkakahalaga ng P3,000 bawat isa.

Sa unang araw ng pagtitipun-tipon na dinaluhan ni dating Pangasinan representative Gina Perez-de Venecia, inanunsiyo ni Alvarado ang magandang balita na maliban sa libreng matrikula sa mga campus ng BPC, babayaran ng Pamahalaang Panlalawigan ang kalahati ng miscellaneous fee ng mga estudyante.

Sa kanyang bahagi, pinayuhan ni Fernando ang mga esudyante na tapusin ang kanilang pag-aaral at pahalagahan ang mga sakripisyo ng kanilang mga magulang maipadala lamang sila sa paaralan.

Samantala, pinasalamatan ni Joshua Pascual, estudyante ng Hotel and Restaurant Services sa BPC Malolos, ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagbibigay ng educational assistance sa mga estudyante na katulad niya na nagnanais na ipagpatuloy ang pag-aaral.

Mula 2010 hanggang 2017, nakapagbigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng educational assistance sa 98,503 Bulakenyong estudyante sa pamamagitan ng programang “Tulong Pang-edukasyon para sa Kabataang Bulakenyo”. A. BORLONGAN

Comments are closed.