KINUMPIRMA ng Epidemiology Bureau (EB) ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa 428-katao ang naitala nilang namatay dahil sa sakit na dengue, na nakukuha sa kagat ng lamok, sa unang anim na buwan pa lamang ng 2019.
Batay sa datos na inilabas ng DOH, lumilitaw na ang naturang bilang ng dengue deaths ay kasama sa 98,179 kabuuang kaso ng sakit na naitala nila sa bansa simula Enero hanggang Hunyo, 2019.
Ayon sa DOH, pinakamaraming naitalang nasawi sa sakit sa Region VI (Western Visayas), na may 70 dengue deaths; sumunod ang Regions VII o Central Visayas (58 deaths); Mimaropa (43 deaths); IVA o Calabarzon (41 deaths); IX o Zamboanga Peninsula (40 deaths); XII o Soccsksargen (29 deaths); National Capital Region (26 deaths); II o Cagayan Valley (23 deaths); X o Southern Mindanao (22 deaths); at V o Bicol Region (21 deaths).
Pinakamarami naman umanong kaso ng dengue na naitala sa Region VI, na may 11,285; sumunod ang Regions IVA (10,313 dengue cases); VII na may 8,773; XII (8,297 dengue cases); X (8,289 dengue cases); IX (7,724 dengue cases); NCR (7,010 dengue cases); habang nakapagtala ng mahigit 6,000 dengue cases ang Regions III o Central Luzon (6,574); Caraga (6,114) at II (6,048).
Sinabi ng DOH na ang mga dinapuan ng sakit ay nagkaka-edad ng wala pang isang taong gulang hanggang 100-taong gulang, at may median age na 12-anyos.
Pinakaapektado namang age group ang 5-9 years na nakapagtala ng 22,715 kaso o 23% ng kabuuang bilang.
Mas maraming lalaking nabiktima ng sakit na umabot ng 53% o 51,712 kaso habang 47% naman ang mga babae, na umabot ng 46,467 kaso.
Ayon sa DOH, mula Hunyo 16 hanggang 22 lamang ay umabot sa 3,610 dengue cases ang kanilang nairekord o walong porsiyento na mas mataas kumpara sa kaparehong panahon noong 2018 na nasa 3,330 cases.
Kaugnay nito, patuloy namang hinihimok ng DOH, sa pangunguna ni Health Secretary Francisco Duque III, ang publiko na maging maingat upang hindi dapuan ng sakit.
Aniya, makabubuting sundin ang tinatawag na “4S strategy” laban sa dengue, na kinabibilangan ng Search and destroy o hanapin at sirain ang mga maaaring pinagmumulan ng mga dengue mosquito; Self-protection, gaya ng pagsusuot ng mga damit na mahaba at gumamit ng mosquito repellent; Seek early consultation, o agad na magpakonsulta sa mga doktor kapag nakaramdam ng sintomas at Support o suportahan ang fogging at spraying. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.