43 DAYUHAN IPINADEPORT NG BI

IPINATAPON palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang 43 Chinese national matapos mapatunayan na lumabag sa pribelihiyo na ipinagkaloob ng pamahalaan sa kanilang pansamantalang paninirahan sa bansa.

Ang naturang bilang ay kasama sa 100 Chinese national na inaresto ng pinagsanib na mga tauhan ng Presidential anti-Organized Crime (PAOCC) at ng Philippine National Police (PNP) Women and children Protection Center (WCPC) sa bisa ng isang Search Warrant na inisyu ng Makati Regional Trial Court dahil sa paglabag ng RA 10364 o kilala sa tawag na anti-trafficking in persons Act.

Ayon sa impormasyon na nakalap ng pahayagang ito, nahuli ang mga ito sa kahabaan ng F.B. Harrison St. sa Pasay city, makaraang maaktuhan na nagtratrabaho ang grupo sa isang kumpanyang may kaugnayan o kinalaman sa human trafficking dito sa Pilipinas.

Ang grupo ay hindi na maaring makabalik sa Pilipinas dahil sa pagiging undesirable aliens at pagkakasama ng kanilang pangalan sa listahan ng mga blacklisted na dayuhan. FROILAN
MORALLOS