NUEVA VIZCAYA- NAHULOG nang sabay-sabay sa hangin bridge ang 50 katao na kinabibilangan ng 43 mag-aaral at 7 guro makaraang bumigay ang naturang tulay sa Alfonso Casteñeda sa lalawigang ito.
Ayon kay Maj. Glanery Cabeliza, hepe ng Alfonso Castañeda Police Station, patungo sa kabilang Sitio ang mga guro at estudyante mula sa Abuyo National High School para sa kanilang intramurals nang maganap ang insidente.
Tatlo sa mga biktima na kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaki ang dinala sa pagamutan matapos na makaranas ng pananakit ng katawan, dibdib, pagkahilo at pagduduwal.
Habang ang iba ay dinala sa Rural Health Unit (RHU) para masuri ang kanilang kalagayan ngunit sila ay pinauwi rin matapos na makitang maayos ang kanilang sitwasyon.
Ayon kay Cabeliza, gawa sa tali ang tulay at mayroon na rin itong katagalan at dahil sa sabay sabay na tumawid ang mga biktima ay hindi na kinaya ng hanging bridge ang bigat ng mga ito kaya ito bumigay.
Tinatayang nasa tatlo hanggang apat na metro ang taas ng bumigay na tulay kung saan bumagsak ang mga biktima sa buhangin at bato dahil nasa dulo na ang mga ito nang tuluyang nasira ang hanging bridge.
Kung kaya’t, pinaalalahanan ang publiko na iwasan na ang sabay-sabay na pagdaan sa mga hanging bridge lalo na ang mga lumang tulay upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
EVELYN GARCIA