IBINULGAR ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na kanilang minomonitor ang mahigit 430 opisyal ng barangay na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ito ang inamin ng PNP Chief sa isang ambush interview matapos dumalo sa Buhay ay Ingatan, Droga ay Ayawan (BIDA) Workplace Program ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Lungsod ng Quezon.
Ayon kay Acorda, base sa hawak na intelligence information ng PNP, iba’t iba ang partisipasyon ng mga naturang barangay official sa kalakalan ng ilegal na droga.
Aniya, ang ilan sa mga ito ay direktang sangkot sa pagtutulak ng droga habang ang iba naman ay mga financier o kaya’y protektor.
Aniya, pinakamarami sa mga ito ay sa Region 6 at mayroon din sa National Capital Regional.
Una nang inihayag ng PNP na ang pinalakas na intelligence monitoring sa mga opisyal ng barangay na sangkot sa ilegal na droga ay bahagi ng pagtiyak ng seguridad sa darating na Barangay at Sanggunian Kabataan Elections sa Oktubre 30.
EUNICE CELARIO