4,351 LAND TITLES IPAMAMAHAGI SA SOCCSKSARGEN

AABOT sa 4,351 Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) at electronic titles (e-titles) ang nakatakdang ipamahagi nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Department of Agrarian Reform (DAR) Sec. Conrado Estrella III ngayong araw sa SOCCSKSARGEN region.

Ayon kay Estrella, ang 4,351 CLOAs  at e-titles) ay  binubuo ng 5,918.44 ektarya ng lupa para sa 4,271 magsasakang agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN .

Ipamamahagi nina Marcos at Estrella ang mga titulo ng lupa sa ilalim ng regular na comprehensive agrarian reform program (CARP) ng ahensiya at ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o Project SPLIT na gaganapin sa South Cotabato Gym and Cultural Center, Koronadal City, South Cotabato.

Sinabi ni Estrella na ang pamamahagi sa buong rehiyon ay bahagi ng land tenure security program ng pamahalaan para sa mga magsasakang walang lupa sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga indibidwal na titulo ng lupa at mga suportang serbisyo sa mga ARB, na kinabibilangan ng pagtatayo ng mga pasilidad pang-imprastraktura at mga kalsada.

“Ang inisyatiba na ito ay inaasahang magkakaroon ng malalim na epekto sa seguridad sa lupa para sa mga ARB sa rehiyon. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga titulong ito, makikilala ang pagmamay-ari ng lupa bilang katuparan ng matagal na nilang adhikain na magkaroon ng mga sariling lupang kanilang binubungkal,” ani Estrella.

Sinabi ni Mariannie S. Lauban-Baunto, DAR SOCCSKSARGEN Regional Director, na sa kabuuang 4,351 na titulo ng lupa na ipamamahagi, may 1,184 na titulo ang sumasaklaw sa 1,001.91 ektarya para sa 1,436 ARBs. Kasabay nito, 3,167 ang ipamamahaging e-titles sa ilalim ng Project SPLIT na sumasaklaw sa 4,916.5321 ektarya, para sa 2,835 ARBs.

Mula sa 1,184 na regular na CLOAs, ang lalawigan ng Cotabato ay makakakuha ng 242 CLOAs na sumasaklaw sa 295.7374 ektarya na ipamamahagi sa 291 ARBs; Sarangani na may 57 CLOAs na sumasaklaw sa 133.8022 ektarya, na ipamamahagi sa 201 ARBs; South Cotabato na may 720 CLOAs na sumasaklaw sa 169.4408 ektarya para sa 779 ARBs; at Sultan Kudarat na may 165 CLOAs na sumasaklaw sa 402.9305 ektarya para sa 165 ARBs, ayon kay Baunto.

Dagdag pa ni Baunto, sa 3,167 e-titles, ang Cotabato ay bibigyan ng 1,534 e-titles na sumasaklaw sa 1,979.1980 ektarya para sa 1,354 ARBs; Sarangani na may kabuuang 536 e-titles na sumasaklaw sa 1,032.0886 ektarya na ipamamahagi sa 506 ARBs; South Cotabato na may kabuuang 946 e-titles na sumasaklaw sa 1,553.1523 ektarya, para sa 840 ARBs; at Sultan Kudarat na may 151 e-titles na sumasaklaw sa 353.0932 ektarya na ipamamahagi sa 135 ARBs sa ilalim ng Project SPLIT na sakop ng collective CLOAs na dati nang inisyu ng DAR at hahati-hatiin at papalitan ng indibidwal na titulo ng lupa.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia