43,909 PULIS NA-PROMOTE DAHIL SA PERFORMANCE AT MERIT BASE SYSTEM

BILANG patunay na patuloy na umiiral ang performance at merit base system sa promotion sa hanay ng pulisya, inihayag ng Philippine National Police (PNP) na may 43,909 pulis ang umakyat ng ranggo nitong nagdaan isang taon.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Gen Benjamin Acorda Jr. na ngayong taon ay halos 44,000 ang bilang ng mga police commissioned mula tinyente hanggang heneral at maging sa hanay ng non-commissioned officers mula master sgt. hanggang patrolman ang umangat at na-promote sa mas mataas na ranggo.

Sinabi pa ni Acorda na performance at merit-based ang kanilang naging basehan para sa promosyon ng mga pulis na bahagi ng kanilang regular promotion cycle sa kanilang organisasyon.

Kaugnay nito, mayroon din 607 na mga police commissioned officers ang nakatakdang italaga ni Acorda sa PNP Officer Corps bilang line officers at technical service officers sa pamamagitan ng lateral entry kung saan karamihan sa mga ito ay mayroong ranggo ng qualified police non-commissioned officers at ilang sibilyan.

Magugunitang minsan nang binigyang-diin ni Acorda na magiging merit-based ang promotion ng mga pulis kasabay ng kanyang layuning bigyang prayoridad ang morale at kapakanan ng PNP sa pagtatalaga sa puwesto ng kanyang mga tao sa gitna ng sigwadang sinasalubong ng Pambansang Pulisya, bunsod ng pagkakasangkot ng ilang opisyal sa kalakarang ng iligal na droga at iba pang katiwalian.
VERLIN RUIZ