UMAABOT sa 44 katao ang tuluyan nang sumuko at nanumpa ng pagbabalik ng katapatan sa Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng National Capital Region Office [NCRPO] sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Ang mga nasabing nagbalik-loob ay kinabibilangan ng 27 kasapi ng Communist Front Organizations (CFOs) at 17 aktibong miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTGs).
Pormal na idinaos ang programa sa pangtanggap sa mga nagbalik-loob na dating kasapi sa CFOs at CTGs pangungun ni NCRPO Regional Director MGen. Edgar Alan O Okubo kabilang sina Regional Peace and Order Council Chairman Francisco Javier Zamora, Mayor Laarni Cayetano at iba pang matatas na opisyal ng pamahalaan.
Ang 7 sa mga nabanggit na indibidwal ay mula sa grupong Kadamay; 5 sa Alliance of Filipino Workers; 2 sa Baseco People’s Alliance; 7 sa Gabriela; 6 sa Anakpawis; isa sa kategoryang Ganap na Kasapi; isa mula sa 34th Front; isa sa Sandatahang Lakas pang Propaganda at Sentro de Gravedad; isa mula sa 8th Front; 5 mula sa hanay ng New People’s Army; 2 sa Sangay ng Partido sa Lokalidad; isa galing sa Larangang Uno Komiteng Probinsiya; 2 kaanib ng Bagong Hukbong Bayan S4-Squad Caloy; 1 kaanib ng SR SOG SL NEMAC; at 2 Kalihim ng Kadamay.
Bilang karagdagang pagpapatunay sa katapatan ng mga kababayan nating nagbalik-loob sa pamahalaan ay isinuko nila ang kanilang mga itinatagong kagamitan at armas sa NCRPO na nasa kabuuang 11 armas kabilang ang 3 improvised home-made shotguns, 3 caliber 357 revolvers, 2 M16A1 rifles without attachment, isang AK47 rifle, isang M14 sniper’s rifle, at isang M16A1 rifle na may M203 grenade launcher attachment.
Ang matagumpay na pagbabalik-loob ng mga ito ay dulot ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng pulisya at militar sa iba’t-ibang komunidad sa Metro Manila at iba pang karatig rehiyon sa pagtutulungan ng NCRPO, Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Special Action Force (SAF), PNP Intelligence Group (PNP IG) at Joint Task Force NCR (JTF NCR).
Bahagi ito ng whole of nation approach upang wakasan ang insurhensya sa ilalim ng Executive Order No. 70 na nagpapatibay sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Habang nasa pangangalaga ng NCRPO, ang mga nagbalik-loob ay sasailalim sa medical evaluation, livelihood training, at iba pang mga gawain upang tulungan silang madaling maka-angkop sa pagbabalik sa normal na pamumuhay.
Kaugnay nito ay gagabayan din sila sa paghahanda ng mga kinakailangang dokumento upang mapakinabangan nila ang mga benepisyo sa ilalim ng Enhanced-Comprehensive Local Integration Programs (E-CLIP) at Local and Social Integration Programs ng pamahalaan kaakibat ng iba programang naglalayong makapagbigay ng bagong pag-asa para sa lahat ng mga nagnanais na magbalik-loob. EVELYN GARCIA