44 NA NASAKTAN SA M6.4 LINDOL

ABRA- UMAKYAT na sa 44 katao ang kumpirmadong nasaktan bunsod ng magnitude 6.4 earthquake na tumama sa hilagang Luzon partikular sa lalawigang ito.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon ng umaga, 12 sugatan ay mula sa Region 1 at ang 32 sugatan ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Karamihan sa mga injured person ay mga nagtamo ng sugat o gasgas sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan .

Mayroon din nagtamo ng head injury, hematoma at multiple physical injuries na ang Ilan sa mga ito ay nasa ospital pa habang ang karamihan ay nakalabas na ng pagamutan.

Samantala, walang napaulat na nasawi o nawawala dahil sa naganap na pagyanig kung saan tatlong buwan pa lang ang nakalipas matapos ang magnitude 7.0 na lindol na yumanig din sa Abra.

Hanggang kahapon ay nakakaramdam pa rin ng mga aftershocks ang mga apektadong residente kaya marami sa kanila ay sa labas ng kanilang mga bahay nagpalipas ng gabi dahil sa matinding takot.

May mga residenteng nagtayo ng temporary sleeping quarters sa labas ng kanilang mga bahay bilang safety precaution sa posibleng malakas na aftershocks kasunod ng lindol na yumanig sa Lagayan, Abra.

Patuloy ang pagbibigay ng tulong ang pamahalaang panlalawigan, mga lokal na pamahalaan at Department of Social Welfare and Development sa pamamagitan ng food packs, tents at financial assistance pampaayos ng bahay sa mga apektadong residente. VERLIN RUIZ