44 PANG KASO NG COVID-19 VARIANTS NAITALA SA PH

INIULAT ng Department of Health (DOH) na may 44 pang mga kaso ng COVID-19 variants ang naitala nila sa bansa.

Sa pinakahuling whole-genome sequencing report na inilabas ng DOH, nabatid na kabilang dito ang apat na karagdagang kaso pa ng Delta (B.1.617.2) variant cases, 14 Alpha (B.1.1.7) variant cases, 21 Beta (B.1.351) variant cases, at isang Theta (P.3) variant case.

Ayon sa DOH,  dahil sa apat na bagong kaso na natuklasan ay umaabot na sa 17 ang Delta cases sa bansa sa ngayon.

Anang DOH, tatlo sa apat na karagdagang Delta variant cases ang pawang Returning Overseas Filipinos (ROF) mula sa MV Eastern Hope, isang barko na nakadaong ngayon sa South Korea.

“Upon detection of the PCR-positive Filipino crew in South Korea, they were repatriated back to the Philippines on June 3, 2021. Two cases have completed the 10-day isolation after arrival in the country and were discharged upon certification of recovery, while one is still admitted in a hospital in Metro Manila,” anang DOH sa isang pahayag.

Samantala, ang ikaapat na kaso naman ay isang ROF na dumating sa bansa noong Mayo 24, 2021 mula sa Saudi Arabia.

Nakakumpleto na umano ito ng mandated isolation, at na-tagged na bilang recovered noong Hunyo 10, 2021, na-discharged mula sa isolation facility, at ngayon ay nakasailalim sa istriktong home quarantine base na rin sa itinatakdang protocols ng LGU of destination nito.

Sa karagdagan namang 14 Alpha variant cases na natukoy, sinabi ng DOH na 12 ang local cases habang dalawa ang biniberipika pa kung local o ROF cases.

“Based on the case line list, two cases have died and 12 cases have been tagged as recovered. The Alpha variant cases now total 1,085,” anang DOH.

Sinabi ng DOH na sa karagdagang 21 Beta variant cases na na-detect, 20 ang local cases habang isang kaso ang biniberipika pa kung local o ROF case.

Idinagdag pa nito na base sa case line list, 20 kaso ang na-tagged bilang recovered at isang kaso ang kasalukuyan pang aktibo.

“The total Beta variant cases are now 1,267,” anang DOH.

Kaugnay nito, sinabi ng DOH na ang karagdagang Theta variant case, na recovered na ngayon, ay kasalukuyang biniberipika kung local o ROF case.

Paglilinaw naman ng DOH, ang Theta variant ay hindi pa tukoy bilang variant of concern (VOC) dahil kailangan pa ng mas maraming datos upang masabing ito ay may significant public health implications.

Samantala, tiniyak ng DOH, University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH), sa publiko na ang biosurveillance activities para sa detection ng COVID-19 variants ay magpapatuloy sa gitna ng dumaraming kaso ng COVID-19 cases sa Visayas at Mindanao.

“The procurement of reagents for whole genome sequencing for the rest of the year was initiated by a grant of P180 million by the DOH to the UP-PGC last May 2021. After undergoing the government procurement process, the reagents shall arrive at the UP-PGC this week,” aniya.

Anang DOH, ang naturang reagents ang magpapahintulot sa kanila, UP-PGC, at UP-NIH na regular na makapagsagawa ng sequence samples sa mga COVID-19 cases hanggang sa katapusan ng taong ito, para matiyak na ang pamahalaan ay makakakuha ng mahahalagang impormasyon para mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ

80 thoughts on “44 PANG KASO NG COVID-19 VARIANTS NAITALA SA PH”

Comments are closed.