44 PINOY SA IBANG BANSA NASA DEATH ROW

MAY 44 Pilipino sa ibang bansa ang kasalukuyang nahaharap sa parusang kamatayan, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

41 sa mga Pinoy na nasa death row ay nasa Malaysia, dalawa sa Brunei at isa sa Saudi Arabia.

Karamihan sa kanilang mga kaso ay may kinalaman sa droga at murder.

Sa kaso ng overseas Filipino worker (OFW) na nasentensiyahan ng parusang kamatayan sa Saudi Arabia, napag-alaman na pinatay nito sa saksak ang kanyang amo makaraang makaranas umano ito ng verbal at physical abuse.

Sinasabing self-defense ang nangyari kaya napatay ng Pinay ang kanyang employer.

Iniapela ng Pinay sa Saudi Arabia ang kanyang kaso sa pamamagitan ng retainer lawyer ng DMW at pitong taon na siyang nakakulong.

Nabatid pa na nakikipagnegosasyon at kinukumbinse ng DMW ang pamilya ng biktima na tanggapin ang blood money.

Sa 41 Pinoy na nasentensiyahan sa Malaysia, ilan sa mga ito ay drug mules at ang ilan ay nahuling nag-iingat ng illegal substances.

Nagkaloob ang Migrant Workers Office sa Malaysia ng tulong pinansiyal sa mga Pinoy at regular na minomonitor ang kanilang kondisyon.

Samantala, ipinagpaliban ang pagbitay sa dalawang Pilipino na sinentensiyahan ng parusang kamatayan sa kasong murder sa Brunei dahil sa de facto moratorium sa death sentences sa Southeast Asian country.