PINAIKLI sa 45 na araw lamang mula sa 60 araw ang ultimatum ng Department of the Interiors and Local Government (DILG) sa mga mayor para linisin ang kanilang nasasakupan.
Ito ay bunga ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang mga pampublikong kalsada na sinakop ng mga vendor at ilang illegal structure na nakasasagabal sa daloy ng trapiko.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, ang dating 60 araw na deadline ay pinaikli ni Secretary Eduardo Año ng 45 araw. Naging basehan umano ng kalihim ay may lungsod sa Metro Manila ang nakagawa ng paglilinis sa mga lansangan.
Sa memorandum na inilabas ng DILG, inaatasan nito ang local chief executives na magsumite ng kanilang inventory sa lahat ng kalsada at plano kung papaano maaalis ang illegal structures.
Gagawa rin ng kanilang sariling imbentaryo ang Philippine National Poilice at Bureau of Fire Protection.
Suspensiyon ang naghihintay sa mga alkalde na mabibigong linisin ang kanilang mga kalsada sa illegal vendors sa loob ng palugit na ibinigay ng DILG.
Samantala, maaari namang suspindihin ng kani-kanilang Konseho ang mga barangay official na mabibigong pigilan ang illegal vendors na magbalik sa mga nilinis nang kalsada.
PULISYA HANDANG SUPORTAHAN ANG 45 DAYS ULTIMATUM
Iniihayag naman ng PNP-National Capital Regional Police Office na suportado nila ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Dutetre na bawiin ang mga lansangan mula sa private entity na umookupa sa mga kalsada para sa kanilang pansariling interest.
Ayon kay NCRPO chief Major General Guillermo Eleazar, nakahanda silang ayudahan ang mga local government unit para bawiin ang mga pam-publikong daan bukod pa sa paglilinis ng mga obstruction sa lansangan.
Kabilang sa ayudang ipagkakaloob ng PNP-NCRPO ay pangalagaan ang seguridad ng mga kasapi ng clearing teams laban sa mga lumalabag partikular na ‘yung mga organized syndicate na nasa likod ng illegal vending sa mga lansangan.
Ayon kay Eleazar, base sa kasaysayan, kahit mapaalis ng MMDA ay pabalik-balik lamang din sa lugar ang mga pinaaalis na mga vendor.
Tiniyak ni Eleazar na mas magiging aktibo ang pulisya sa pagbabantay laban sa mga lumalabag lalo na ‘yung mga nakikipag-hide and seek sa mga awtoridad o nagsisipagbalik lamang kapag nakatalikod na ang mga nagbabantay. VERLIN RUIZ
Comments are closed.