PASAY CITY– MAGLALAGAY ng 45 sniffing dogs o K-9 (canine) si Agriculture Secretary Manny Piñol sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang masawata ang pagpasok ng mga imported na karne galing sa 15 bansa na apektado ng African Swine Fever (ASF).
Nitong nakalipas na araw personal na nagtungo si Secretary Piñol sa opisina ng quarantine sa NAIA terminal 2 dala ang sinasabing mga sniff-ing dogs.
Nag-obserba ang kalihim sa kanilang mga empleyado sa Bureau of Animal Industry (BAI), fisheries at ng plant quarantine sa NAIA kung papaano nagmo-monitor ng mga incoming luggage ng mga pasahero galing sa mga bansang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Ayon pa kay Piñol ang layunin ng kanyang paglalagay ng K-9 para maprotektahan ang pagpasok ng mga “fresh, frozen, cooked or uncooked animal meat and its processed meat coming from affected countries.”
Ipinag-utos din ng kalihim sa mga kawani ng DA na maging alerto sa mga entry ng iba’t ibang klaseng “seedling and soil without phyto sanitary permit” at smuggling ng endagered species.
Maging ang mga quarantine official ay inatasan na maging vigilance at makipagtulungan sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) NAIA, sapagkat sila ang mga bihasa sa pag-determine sa mga luggage na may laman na imported na karne sa pamamagitan ng kanilang X-ray machines. FROILAN MORALLOS