BULACAN – Umabot sa 450 estudyante mula elementarya, high school at kolehiyo mula sa siyam na barangay ng bayan ng Balagtas, ang nakinabang sa Pusong Jr, Alalay sa Pag-Aaral Program ng pamahalaang-bayan na isa sa mahalagang programang pang-edukasyon sa nasabing munisipalidad.
Ayon kay Mayor Junior Gonzales, nagpalabas siya ng kabuuang pondong P900,000 at ito ang kanyang inilaan para sa 450 es-tudyante, na tumanggap ng P2,000 ayudang pinansiyal sa bawat estudyante para sa kanilang pag-aaral at tiniyak niyang madadagdagan ang bilang nito sa susunod na mga taon dahil prayoridad din niya ang edukasyon.
Nagpasalamat naman ang mga estudyanteng tumanggap ng tulong-pinansyal kay Gonzales dahil tinutupad ng alkalde ang kanyang pangakong paglalaanan ng pondo sa edukasyon ng mga mahihirap na estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo na pursigidong makatapos ng kanilang pag-aaral.
Isa si Gonzales sa mga Bulacan Mayors na may epektibong paglilingkod sa kanilang constituents kung saan patuloy ang tinatamasang kaunlaran ng bayan ng Balagtas na isang primera-klaseng munisipalidad at mayroon ding maayos na peace and order situation dahil na rin sa pakikiisa ng pulisya at force multifliers sa programa ng alkalde.
Inaasahan ding makukuha ng alkalde ang kanyang ikalawang termino sa May 2019 midterm elections dahil kontento ang Balagtaseños sa kanyang panunungkulan at halos araw-araw itong matatagpuan sa kanyang tanggapan upang mapaglingkuran ang kanyang mga kababayan na nangangailangan ng tulong. A. BORLONGAN
Comments are closed.