BULACAN – UMAABOT sa 451 miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ang tumiwalag sa Communist Terrorist Group (CTG) ng New People’s Army (NPA) kahapon sa Brgy. Mapulang Lupa, Pandi ng nasabing lalawigan.
Sinaksihan ni Bulacan Governor Daniel Fernando kasama ang pamunuan ng Regional Task Force To End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) ang panunumpa ng katapatan sa watawat ng Pilipinas ng mga dating miyembro ng KADAMAY na nanirahan sa pabahay ng National Housing Authority (NHA) ng walang pahintulot.
Kasunod ng panunumpa, sinunog ng mga tumiwalag na KADAMAY member ang bandila ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) kasama ang kanilang IDs bilang simbolo ng kanilang pagkalas.
Nagkaroon din ng community consultation at problem-solving session para sa mga nagbalik-loob na pinangunahan ng Situational Awareness and Knowledge Management (SAKM) at Local Peace Engagement (LPE) cluster ng RTF-ELCAC.
Pinasalamatan naman ni P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan police provincial director ang mga nagbalik-loob kaugnay sa kanilang pagpili ng tamang desisyon at sinabi na ang pamahalaan ay handang tumulong sa kanila at itama ang mga maling idelohiya na dulot ng grupong komunista at terorista.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng relief operation matapos ang programa kung saan tumanggap ang mga nagbalik-loob ng food packs mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
Katuwang din sa programa ang Provincial Social Welfare and Development Office(PSWDO), Technical Education and Skills Development Authority(TESDA), Department of Trade and Industry(DTI), Department of the Interior and Local Government(DILG), Department of Justice(DOJ) at Department of Labor and Employment(DOLE). MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.